A Clash With The Knight
- Sofia PHR
- Oct 24, 2018
- 20 min read

Lancelot “Knight” Valdrez is the most popular young adult writer in the country. Sa edad na labingpitong taong gulang, nakahakot na ito ng mahigit isang milyong follower sa social media, may sold out books, gagawing pelikula ang libro at naimbitahang mag-aral sa Bright Minds Academy, ang paaralan na ilang beses nag-reject dito. Narito na ang lahat. Pero hindi iyon ang tingin dito ni Sylvie dela Paz, ang bagong kaklase ni Lancelot. Hindi karapat-dapat ang lalaki sa Bright Minds Academy o sa kasikatang tinatamasa nito. He is not brilliant. Di niya maintindihan kung paanong naging sikat ang libro nito samantalang puro loopholes, typo error at mali-mali naman ang grammar. It is a major turn off for her. At sa harap ng mga fans nito, di niya pinalampas ang pagkakataon na ipamukha dito kung ano ang tingin niya sa lalaki. “Sa palagay mo ba binabasa ang kwento mo dahil magaling kang writer o baka naman kaya gusto lang nila ang kwento mo dahil guwapo ka?” Simula na ang giyera. Sylvie is now Public Enemy Number One.
Excerpt:
See you in a bit, Bright Minds Academy.
Nag-post si Lance ng selfie niya habang suot sa uniform ng Bright Minds Academy habang sakay ng kotse na minamaneho ng ama. Nakasuot siya ng long sleeve white polo na may black and yellow stripped necktie. Nakapatong sa ibabaw ang black V-neck vest na may logo ng bagong paaralang papasukan. Matapos I-post sa social media account niya, sunud-sunod na ang tunog ng notification ng Facebook, Twitter at Instagram niya. Sunud-sunod na ang comment sa kanya.
“Lance, tama na iyang kakadutdot mo sa cellphone mo. May sinasabi ako sa iyo,” untag ng ama niyang si Arnulfo Valdrez.
“Ano po iyon, Papa?” tanong niya. Nasa manibela ito at personal na maghahatid sa kanya sa bagong paaralang papasukan.
“Na-review mo na ba ang school book mo at ang rules and regulation ng school? Istrikto sila lalo na sa grades. Ayokong doon ka pa magkakalat,” bilin nito at tiningnan siya sa rearview mirror.
Yumuko siya at marahang tumango. Bumaba na ang saya at pagkasabik na nararamdaman niya. “Opo, Pa. Na-review ko po,” mahina niyang usal at bumalik ang nerbiyos niya. “Masyado silang istrikto. Di ko alam kung bakit ililipat ninyo ako ng eskwelahan. Okay naman ako sa dati kong school. Maganda rin naman ang dati kong school, Pa.”
“But it is not Bright Minds Academy, Lance. Your new school is one of the top ten schools in the country. Magiging kaklase mo ang mga inaasahang future leaders and movers and shakers ng bansang ito. Imagine the network that you will have in the future.”
Parang sumikip ang necktie sa leeg ng binata at lalo siyang sinasakal. Top ten school, the future of the country, leaders and pride of joy of the Philippines - iyan ang mga salitang kakabit ng Bright Minds Academy at ng mga estudyante nito. Oo, galing siya sa isang private school pero di elitista ang mga kaklase niya. Pag-asa ng bayan ang mga gaya niya pero sapat nang pumapasa sila.
Pero ayon sa mga kakilala niya, di na siya ordinaryong estudyante ngayon. Hindi siya si Lancelot Valdrez na walang academic achievement o bangko sa basketball. Escort sa klase niya taon-taon pero di niya maitutulong iyon sa bayan.
Siya si Knight, isang sikat na manunulat ng mga pang-teenager na aklat. Nagsimula lang siya sa pagpo-post ng mga kwento sa internet. Katuwaan lang. Libangan lang niya kapag wala siyang ginagawa at gusto niyang mawala ang stress sa sermon ng ama at sa mga gawain sa paaralan. Di niya inaasahan na dadami ang readers niya. Dumami pa lalo ang tagahanga niya nang mag-post siya ng pictures sa internet.
Hanggang isang publication ang nag-alok ng kontrata sa kanya at gusto daw ilathala ang Mystic High, kwento tungkol sa isang teenager na lalaki na naligaw sa paaralan ng mga pasaway na estudyante sa bansa na may nagtatagong hiwaga. Na-sold out iyon at dalawang beses na ni-reprint pero marami pa rin ang tumatangkilik. Di pa rin siya makapaniwala sa narating ng simpleng kwento niya.
“Don’t ruin your chance on this one, Lancelot,” may kapormalang sabi ng ama. “Ilang beses ka na bang bumagsak sa exam nila noon? Hirap na hirap kang matanggap. Mabuti na lang may recommendation ang publisher mo kaya ikinonsidera ng director ng school na tanggapin ka.”
Pumitlag siya. Tanggap naman niya na di siya elitista kahit na may garments factory sila at kaya ng ama niya na bayaran ang nakakalulang tuition fee sa naturang paaralan. Pero di niya alam kung tao pa ba ang nakakasagot sa exam na ibinigay sa kanila. Parang di naman itinuro sa kanila noong junior high school. Iniisip nga niya na baka sa ibang planeta galing ang tanong - What is the toughest creature on Earth? Si Duterte dapat ng sagot niya dahil sa kamay na bakal nito. Pero wala sa choices.
What is the biggest volcanic eruption in two million years? Pinatubo ang isinagot niya pero Toba Volcano daw iyon ng Indonesia. Aba’y malay niya. Mahalin ang sariling atin.
What is Stephen Hawking’s theory on the blackhole? Hindi ko kilala si Stephen Hawking. Hindi kami close. Sino ba ang nakakakilala dito? Stephen King pa siguro dahil hilig ng daddy niya na manood ng pelikulang halaw sa libro nito.
Kaya sa halip na matuwa, mas natakot siya na pumasok sa bagong paaralan. Entrance exam pa lang, nangangatog na siya. Paano pag nakapasok na siya? Baka robot ang mga kaklase niya o mga alien.
“Arnulfo, nakaraan na ‘yang di siya nakapasa. Ang mahalaga nakapasok na siya sa Bright Minds Academy,” nakangiting sabi ng inang si Gracia. “Our son is an accomplished young man. Sino bang disisiete anyos na senior high school student ang may sold out books na, may TV interview at gagawin pang pelikula ang libro? Si Lance lang.”
Pinisil niya ang kamay ng ina. “Salamat, Ma.” Buo ang suporta nito sa kanya, sa pagsusulat niya at kahit saang paaralan niya gustong mag-aral.
“Ano bang ipinagmamalaki mo? ‘Yung libro ng anak mo tungkol sa eskwelahan ng mga engkanto, demonyo, at mga pasaway na estudyante na malayang nagagawa ang gusto nila habang nagpapasaway sa lipunan? Ano naman ang matututunan ng mga mambabasa doon? Makakatulong ba iyan sa ekonomiya ng Pilipinas? Role model ba ng kabataan ang mga character niya? Maihahalintulad ba iyan sa gawa ni Rizal?”
Bumuga si Lancelot ng hangin. Di pa nito nababasa ang gawa niya, parang basura na ang tingin nito. “Pa, chill lang po kayo. Entertainment lang po ang gawa ko. Para lang sa mga kaedad ko ang kwento kaya mahihirapan po kayong maka-relate. Saka wala pong nagbabasa ng tungkol sa pulitika sa mga kakilala ko. Masyado pa kaming bata para humalo sa problema ng mga matatanda.”
Inilahad ng ama ang kamay. “Ayan! Kaya di umuunlad ang Pilipinas dahil mga ganyan ang mind set ng mga nakakahalubilo mo. Gusto masaya ngayon. Gusto YOLO. Gusto maging independent kuno. Mabuti na lang talaga nailayo kita sa dati mong kaklase. Sa Bright Minds Academy, aktibo ang mga estudyante sa political forums at community service. Nakikipag-usap sila di lang sa mga leader sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa. Bata pa lang sila, alam na nila ang responsibilidad para sa bayan. Baka sakaling mahawaan ka ng galing nila.”
“Masyado kayong maraming hinihingi sa akin, Pa. Sana maging masaya na lang kayo sa mga narating ko,” mahina niyang usal at malungkot na ibinaling ang tingin sa labas.
Unang araw pa lang niya sa paaralan, inaatang na sa balikat niya ang lahat ng problema ng Pilipinas. Bata lang siya. Anong alam niya? Ni hindi man lang sumaya ang ama na natupad niya ang isa sa mga pangarap nito. Sa halip na ma-excite sa bagong eskwelahan, parang may tali na umikot sa leeg niya at sinasakal siya. Niluwagan niya ang black and yellow tripped necktie na nakapulupot sa leeg niya. Hindi siya makahinga.
“Proud sa iyo ang papa mo, Lance. Ayaw lang niyang maging complacent ka sa status mo ngayong celebrity writer ka na. That you can be so much more,” paliwanag ng ina. “Hindi ka ba masaya na magiging mabuting impluwensiya ka sa mga kabataan?”
Napilitan siyang tumango at ngumiti. “Tama kayo, Ma. Gagawin ko po ang lahat para madagdagan ang achievements ko. Hindi ko po kayo ipapahiya.”
“Dapat lang. Dala mo ang pangalan ng mga Valdrez,” sabi ng papa niya.
VALDREZ. Nakalinya ang pamilya nila Lancelot sa mga propesyunal - doktor, propesor, abogado at matagumpay na mga negosyante. May pangalang kailangang pangalagaan ang pamilya niya at bantog sa lalawigan ng Isabela. Mula sa pagiging simpleng magsasaka ng lolo niya sa tuhod, naitaguyod nito ang tatay niya at ang mga kapatid nito hanggang maging mga propesyunal. Achievers din ang mga pinsan niya. Pakiramdam nga niya ay napag-iiwanan siya dahil wala naman siyang maipagmamalaki kundi ang pagiging escort at bangko sa basketball team.
Hanggang dumating na ang pagkakataon niya na sumikat. May daang libo siyag mambabasa sa internet. Sold out din ang mga libro niya sa bookstores. Gagawin pang pelikula ang libro niya. Akala niya ay makukuha na niya ang recognition mula sa ama dahil kahit ang mga achievers niyang pinsan, tiyuhin at tiyahin ay ipinagmamalaki siya sa lahat. Pero hindi si Arnulfo Valdrez. Di pa rin siya sapat.
Be better. Be a better version of yourself, Lance.
Hindi ba may achievement na siya? Kahit nga ang mga pinsan niya ay hangang-hanga na nakapasok siya sa Bright Minds Academy. Hindi nga daw nag-inquire ang mga ito sa naturang paaralan dahil masyado daw mataas ang standard. Bagama’t pasok din sa top ten schools sa bansa ang pinasukan ng mga ito, iba pa rin daw ang dating ng Bright Minds Academy. Creme ala creme. Cream of the crop.
Alas siyete nang pumasok sa gate ng paaralan ang kotse ng ama. Pakiwari niya ay pumapasok siya sa ibang dimension. Nagtataasang puno ng acacia ang sumalubong sa kanila na nakatayo sa magkabilang gilid ng daan. May mga arrow kung saan ang direksyon na pupuntahan nila. May sariling swimming pool, sports facilities at music theater ang paaralan. Maganda rin ang Art STRAND program ng mga ito na pina-practice maraming taon na ang nakakaraan bago pa man I-implement ng K-12. Bilang paghahanda daw iyon sa mga estudyante na mag-aaral sa ibang bansa dahil kinikilala ang curriculum nito maging ng prestihiyosong universidad gaya ng Harvard, Princeton, Leiden at Oxford.
Habang palapit sa administrative office kung saan magpapakita sila sa registrar at sa director’s office para makausap ng magulang niya, napansin nila ang mga tao na estudyante sa magkabilang gilid ng kalsada. “Bakit maraming tao ngayon? May special event ba? May bisita ba?”
Nagkibit-balikat si Lance. “Hindi ko po alam.”
Habang maraming na-excite sa pag-transfer niya sa bagong paaralan, di siya nagtse-check sa page o website ng naturang eskwelahan. Abala siya sa pagpapaalam sa mga guro at kamag-aral pati na rin sa mga bago at lumang kaibigan. Isang buwan pa lang siyang pumapasok bilang first year senior high school sa Holy Grail High School nang dumating ang approval papers niya para sa Bright Minds Academy. Wala sa hinagap niya na papasa siya. Sa Holy Grail High siya nag-junior high school. Parang pangalawang bahay na niya. Hindi niya alam kung ano ang dadatnan sa bagong paaralan. Kung makakasundo ba niya ang mga bagong kaklase.
Nauna siyang lumabas ng kotse at inalalayan sa paglabas ang ina. Parang tumigil ang lahat ng estudyante na nakabantay doon. Nanahimik ang buong paligid. Nakatutok lang ang mga mata sa kanya. Parang tinantiya siya ng mga ito, sinusuri.
Paano kung ayaw nila sa akin? Problema ko na nga kung paano ko maaabot ang high standards nila sa academics, baka mataas din ang standard nila sa magiging kaibigan.
“Emegerd! Si Knight nga! Nandito na si Knight!” sigaw ng boses ng isang babae.
Malakas na tilian at sigawan ang kasunod niyon. Parang dumadagundong ang paligid sa lakas ng sigawan. Namangha siya. May mga banner pa ang iba na nagpapakita ng pagmamahal sa kanya.
“Lodi!” sigaw pa ng isang lalaki na nakasunod ng basketball jersey. Sinaluduhan naman niya ito.
Mistulang meet and greet iyon na ihinanda sa kanya. Nangyayari lang iyon kapag may book signing siya. Pero di niya inaasahan na ganoon kagarbo ang isasalubong sa kanya ng bagong kamag-aral. Masaya ang mga ito na nandoon siya.
“We love you, Knight!” tilian ng grupo ng kababaihan.
“I love you, too,” aniya at kumaway sa grupo ng magagandang dilag. Nagtilian ang mga ito sa sobrang kilig.
Mahinhing tumawa ang nanay niya. “Ang sweet naman ng mga estudyante dito.”
“I love you, Mommy!” sigaw naman ng isang bading na nakakapit sa poste ng street lamp. “Ako po ang future daughter-in-law n’yo.”
Humagikgik ang ina at kumaway din. Kahit paano ay nabawasan ang kaba niya sa dadatnang mga kamag-aral dahil sa mainit na pagtanggap. “Mamaya na iyan. Naghihintay na ang school director sa akin.”
Isang matandang babae ang naghihintay sa harap ng building. Ito rin ang nag-interview sa kanya dalawang linggo na ang nakakaraan tungkol sa pagpasa niya dahil na rin sa rekomendasyon ng publisher niya.
“Welcome to Bright Minds Academy, Knight.”
Kinamayan niya ang school director na si Dr. Kintanar. “Call me Lance please, Ma’am.” Bagamat masaya siya sa pagiging Knight, mas gusto niyang tawagin siyang Lance ng personal na mga kakilala. Isa pa, magaan ang loob niya sa direktor. Sigurado di ito mukhang istrikto at masungit.
“Mas kilala ka bilang Knight. Ikaw ang bukambibig ng mga kabataan ngayon. What can you say about the warm welcome of your schoolmates?” tanong nito.
“Ganito po ba lagi kapag may bagong estudyante?” namamangha niyang tanong.
“No. The last time we have this huge turn out, presidente mismo ng Pilipinas ang dumalaw. Hindi nga namin inaasahan na dadagsa ang mga estudyante para salubungin ka. Sila ang nagkusang nag-abang. Normal na school day lang dapat ngayon at papasok ka lang sana bilang normal na estudyante. Nasorpresa din kami.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Hanep! Ibig sabihin gusto talaga ako ng mga tao ito? Parang nagugustuhan ko na dito.”
“Sabi ko naman sa iyo magugustuhan mo sa Bright Minds Academy,” sabi ng ama.
Napalitan ng labis na kaligayahan ang kaba ni Lance kanina. Parang sasabog ang puso niya. “Pwede ko po bang makausap muna ang iba sa mga schoolmates ko? Nakakahiya lang po kung di ko man lang sila mababati. Magpapasalamat lang po ako sa pag-welcome nila.”
Inilahad ng direktor ang kamay. “Go ahead, hijo. Tapos itu-tour ka dito sa school bago ka pumasok sa klase mo.”
“Salamat po, Ma’am,” aniya at sumaludo sa direktora.
Nang lumabas ulit si Lancelot ng building, dumagundong ulit ang sigawan. Sa pagkakataong ito, mas matitinis ang tilian nang isa-isa niyang kamayan ang nakahilerang mga estudyante. “Hi! I’m Lance. Anong pangalan mo?”
“Oh, my gosh! Oh, my gosh!” anang chubby pero maputing babae na maigsing buhok at may bangs. “I wanna faint na.”
“Please! Wag kang himatayin. Di kami weightlifter para kayanin ang bigat mo. Ipapa-ospital mo pa kami,” may katarayang sabi ng babae sa tabi nito. She was pretty. Too pretty. Mukha nga itong artista dahil sa pagka-mestiza nito at tangkad. Kulot ang buhok nito na may headband pa na may teddy bear na gawa sa brilyante. Sa payat nito, parang isang ihip lang ng hangin ay matutumba na ito. Pero walang tatalo sa talas ng dila nito.
Hinawakan niya ang balikat ni Miss Chubby. “Huwag kang hihimatayin, ha? Be strong for me.”
Tumango si Miss Chubby at parang di halos humihinga. Tumango lang ito na parang maluluha pa. “S-Salamat.”
Lumipat siya sa grupo ng maganda pero mataray na babae kanina. May hawak na banner ang mga ito na may nakalagay na “Welcome to Bright Minds Academy Knight from SASSY”. “Nice! You have your own group.”
“We are Bright Minds Academy’s official girl group… Sassy for you,” pakantang sabi ng mga ito. Mukhang talented nga ang mga ito, magaganda ang boses at may dating.
“I’m Mindy,” anang dalaga na bobcut ang buhok at may paru-paro na clip sa buhok. Itinaas pa nito ang isang kamay sabay lumiyad.
“I’m Ariana,” sigaw naman ng nasa kabilang dulo ng banner. Mahaba at tuwid ang buhok nito. May cute ito na dimple sa pisngi. Nag-peace sign ito saka kumindat.
“Cute,” nausal niya.
“Hi! I’m Aiona but you can call me Queen Guinevere,” anang maganda pero may kasungitan na babae kanina. Bagay naman talaga itong maging reyna at mas maganda pa ito sa malapitan.
“You are the queen and I am your knight,” aniya at inabot ang kamay ng babae para kamayan.
Sa halip na kamayan siya, itinapat nito ang likod ng palad niya sa bibig niya. Nagulat siya. Gusto nito na halikan niya ang likod ng palad nito?
“Excuse me! Excuse me!” anang isang babae na may hawak na mikropono na may nakalagay na The Newsmaker. Pinalis nito ang kamay ni Aiona at humarang sa pagitan nila. “Hindi ka bagay sa babaeng nagpakasal sa isang matandang hari. Eeeewww! Dito ka sa fresh.” Saka matamis na ngumiti sa kanya. “Hi! I’m Ehra from the Newsmaker.”
“And I’m the fairest of them all. Call me Thanos,” singit naman ng videographer. “Bagay tayo, Knight.”
“Wag kang um-extra. Moment ko ito,” kontra naman ni Ehra Nakangiti ulit itong bumaling sa kanya. “Pwede ka bang ma-interview?”
“O-Of course.”
May sariling broadcasting unit daw ang naturang paaralan na karaniwan ay sa college at universities lang mayroon. May online sariling radio station din ang mga ito at Youtube channel.
Strand para sa ARTS ang pinili niyang program para sa senior high school dahil gusto niyang mag-creative writing sa college at pagbutihan ang pagsusulat o kaya ay mag-Mass Communication. Ayon sa nanay niya, pwede daw magamit ng mga estudyante ng Art Strand ang broadcasting room. Wala iyon sa dating paaralan na pinasukan niya. Sa unang pagkakataon, na-excite siya sa pagpasok sa Bright Minds Academy.
Pinagkiskis ni Knight ang palad. Mukhang mapapalaban siya dito. Hindi niya inaasahan ang ganitong klaseng pagsalubong sa kanya. Nang ma-interview siya sa TV para sa contract signing ng pelikula niya, nakapag-practice siya at napaghandaan niya ang mga tanong. Pero iba pala ang pakiramdam kapag kaharap ang mga estudyante ng Bright Minds Academy. Kailangan niyang magpa-impress sa mga ito at maging matalino sa pagsagot. Matalino at talentado ang mga estudyante doon. Di siya pwedeng mapag-iwanan.
“Why don’t you greet everyone first and introduce yourself,” sabi ni Ehra at inilahad ang palad sa mga estudyante.
“Good morning, Bright Minds! I am your new schoolmate. Of course, kilala ninyo ako bilang Knight. Please take care of me.”
“Ako ang mag-aalaga sa iyo!” tili ng isang estudyanteng babae na nasa second floor at nakadungaw. “Ipaghehele pa kita at pupulbusan ang likod mo pag pinagpapaiwasan ka.” Mukhang nasa junior high school pa lang ito dahil sa ribbon na nasa leeg nito na iba sa necktie ng senior high. Tawa na lang ang naisagot niya.
“Are you surprised with the reception?” tanong ni Ehra.
Huminga siya ng malalim. “Hindi ko inaasahan na marami palang interesado sa akin at sa libro ko.”
“Of course. Sino ba ang hindi makakakilala kay Knight? Ikaw ang pinakasikat na teen writer. And we are all fans of yours. Right, Bright Minds?”
“Yessss!” sagot naman ng estudyante sa paligid niya.
“So, what is your favorite color?” nagniningning ang mga matang tanong ni Ehra.
WHAT IS your favorite color? What is your favorite color?!
Hindi makapaniwala si Sylvie sa narinig na tanong ni Ehra. Nakatayo siya sa ibabaw ng hagdan at hawak ang camera. Malapit lang siya sa kinatatayuan ng student reporter at ni Knight. Pa-cute si Ehra pero inaasahan niya na may kagat naman ang itatanong nito na magpapakita kung may laman ba ang utak ni Knight. Ang alam niya, reporter ito at di talking slum book. Pero sa halip na madismaya, parang kilig na kilig pa ang mga nakikinig at hinihintay ang sagot ni Knight.
“Blue gray,” sagot naman ni Knight at ipinamulsa ang kamay. “Kaya nga gusto ko ang uniform ng Bright Minds Academy. This is my color.” At saka nag-thumbs up sa camera.
“And you look good on it. Mas guwapo ka pala sa personal,” anang si Ehra sa pinaliit na boses.
Ugh! Pabebe much. May kaartehan si Ehra pero nakita niya kung paano ito magtrabaho nang mas matitinding personalities ang nakaharap nito. Di ito natunaw nang makaharap ang presidente ng Pilipinas. Sensible ang mga tanong nito. Hindi ito pa-cute nang ma-interview ang crush na basketball player. Very, very professional. Tapos ang alam nitong itanong kay Knight ay favorite color?
Kalma. Baka naman gusto lang niyang maging komportable si Knight. Baka naman sa susunod na tanong, may pangil na ang tanong niya.
“May girlfriend ka na ba?” tanong ulit ni Ehra na nagniningning ang mga mata. Nang sumagot ng hindi si Knight, ito ang unang tumili.
“Eeeeee!!! Ako na lang! Ako na lang ang mahalin mo!” anang mga Sassy, ang girl group na puro kaklase pa niya. Sosyal na sosyal ang mga ito, hinahangaan at hinahabol ng mga lalaki di lang sa Bright Minds Academy. May sariling followers ang mga ito pero ayon kay Aiona, mataas ang standard ng mga ito na parang prinsipe lang ang pwedeng pansinin ng mga ito. Tapos babagsak ang mga ito kay Knight?
What a fall from grace. Kahihiyan ito sa Bright Minds Academy. Ano bang nangyayari? Nagayuma ba sila? Na-hypnotize? Ako na lang ba ang di nava-virus-an dito?
Oo, guwapo nga ang lalaki. Matangkad ito. Nasa 5’9” na kahit na labimpitong taong gulang pa lang. Mukhang mas tatangkad pa ito. Matikas ang tayo. Naka-brush up ang buhok nito at mukhang kagalang-galang habang suot ang uniform ng Bright Minds Academy. Nakangiti kahit ang mga mata nito na nagiging maigting pag tumititig sa mga tao. Gustong-gusto ito ng camera niya. Masarap itong gawing subject. Pero hanggang saan ba dadalhin ng kaguwapuhan nito ang lalaki?
Di na nakatiis si Sylvia na makitang nawawalan ng laman ang interview ni Ehra at itinaas ang kamay. Oras na para malaman ng mga ito na hindi perpekto ang Knight na kinababaliwan ng mga ito. “Excuse me! Excuse me!” aniya at ikinaway ang kamay para makita nito. “Excuse me! I have a question!”
Tumingin ang lahat kay Sylvie. Di siya sanay na sentro ng eksena. Kahit kapag nananalo siya sa photo competition, mas gusto niyang mag-focus ang mga tao sa mismong entry niya kaysa sa kanya bilang isang photographer.
Itinaas din ni Knight ang kamay at kumaway. “Hello there!” Friendly. Iyon agad ang pumasok sa isip niya. Akmang bubuka ang bibig niya para sabihin ang tanong nang naglakad ito palapit sa direksyon niya. “Excuse me. Pwedeng makiraan?” tanong nito sa Sassy na nakaharang sa bungad ng mga taong nakaharang sa kanya.
“Sureee!” sabi agad ni Aiona at ipinitik ang daliri. “Guys, dadaan daw si Knight. Move!”
Parang Red Sea ang mga tao na nahawi ang mga ito para magbigay-daan sa lalaki palapit sa kanya hanggang siya at ang hagdan na lang niya ang naiwan sa gitna. Hindi alam ni Sylvie kung bakit pinipigil niya ang paghinga. Nararamdaman lang niya iyon kapag pinakaaabangan niya ang susunod na pangyayari. Na parang slow motion ang bawat galaw ni Knight at nakikita niya ang bawat detalye - ang pagtangay ng hangin sa buhok nito, ang pag-angat ng gilid ng labi nito at ang intensidad ng mga mata nito na parang siya lang ang nakikita.
Is it the artist in me? Kaya ba nagzu-zoom in sa kanya ang mga mata ko?
Naalala niya ang sinabi sa kanya ng nanay niya. Ganoon daw ang naranasan nito nang unang beses na nakita ang tatay niya. Exaggerated iyon. Nababasa lang sa romance novels o nangyayari sa mga nakakakilig na palabas sa TV o pelikula. Para sa kanya, di ka naman basta-basta magkakagusto sa isang tao dahil lang napatigil nito ang mundo niya. Di niya iyon naranasan kay Mark Andrew.
He is just a moving work of art. Nothing romantic. Duh! O baka nahihilo lang ako sa init ng araw na kanina pa nakatutok sa akin.
Tiningala si Knight at ngumiti sa kanya. “You must be the official photographer for this event. Hi! I’m Lancelot Valdrez. Hence the pen name Knight. And you are…” anito at inilahad ang palad sa kanya para kamayan siya.
“I am not important,” aniya at iniwas ang tingin dito. Hindi naman siya nito fangirl. Di na siya nito dapat pag-aksayahan ng oras.
“Hello, I Am Not Important.”
Hindi niya pinansin ang pakikipagkamay nito. Sarkastiko siyang ngumisi dito. Pa-cute pa ito.
Di pa rin nito inaalis ang pagkakalahad ang kamay. “Sa palagay ko itinuro sa mga estudyante ng Bright Mind Academy na tanggapin mo ang pakikipagkamay ng taong nakikipagkilala nang maayos sa iyo. That is the polite thing to do. Mukha ka namang matalino at sigurado ako alam mo rin naman ang tungkol sa manners,” anito sa nanunudyong boses.
Malambing ang pagkakasabi subalit pakiramdam ng dalaga ay sinampal siya nito. Sinasabi ba nito na wala siyang kagandahang asal?
May point naman talaga siya. Wala ka naman talagang manners. Di dahil pangit ang gawa ng isang writer at guwapo siya, di na siya dapat na pakitaan ng kagandahang asal. You should know better than that, Sylvie.
Pati common sense niya at konsensiya, maka-Team Knight na rin. Tahimik lang siya at may pagkasuplada pero di naman siya pinalaking bastos ng magulang niya.
Napilitan siyang kamayan ito. “Hi! I am Sylvie.”
“Sylvie. Nice name. Better than I Am Not Important.”
"I am sorry. Hindi ko naman sinasadya..."
"Okay lang. Sanay na ako. Natataranta talaga ang mga tao minsan kapag nakikita ako. Nai-starstruck."
Starstruck what? Kasasabi lang niya na magpapakabait siya dito pero para gusto talaga siyang asarin. Ang lakas ng hangin. Parang tinangay siya ng buhawi.
"May gusto kang itanong sa akin?" anang lalaki.
"Pwede mo na bang bitawan ang kamay ko?" Parang atubili pa itong bitawan siya at saka lang siya nagpatuloy sa pagtatanong. “What are your expectations with Bright Minds Academy? Ano ang gusto mong matutunan dito?” di na niya mapigilang itanong. “At ano ang maaasahan namin na maiko-contribute mo para maging mas productive citizen ng bansang ito sa future.”
Bawing-bawi naman siya sa pagkakapahiya niya kanina dahil sa mga tanong niyang taob na taob ang Miss Universe.
“Sylvie, just do your job. Take pictures and you don't have to say anything." Nakangiti si Ehra pero nakita niya ang mahigpit nitong hawak ang mikropono. Ayaw nito sa lahat na nasasapawan ng eksena lalo na't gustong-gusto nito ang subject. Lalo na at guwapo ang subject.
"Masama bang magtanong? Gusto ko lang namang malaman." Hindi naman siya magtatanong kung ginagawa nito ang trabaho nito - ang magtanong nang matino.
"Ayos lang. Sasagutin ko naman ang tanong niya," sabi ni Knight. Kinuha nito ang mikropono at hinarap siya. "Tungkol sa tanong mo..."
"Pwede mo namang sagutin ‘yung tanong sa harap ng video camera at hindi sa akin. Photographer lang naman ako."
“Hindi. Ikaw ang nagtanong kaya gusto kong sagutin nang direkta habang nakatingin sa mga mata mo." Walang gatol ang lalaki nang sabihin iyon. Titigan siya sa mga mata? Ayaw nga niya. Nakakailang kaya. At paano naman niya ito makukuhanan ng picture nito kung siya mismo ang kinakausap nito?
Wala siyang nagawa dahil baka masabihan na naman siyang walang galang kapag kinuhanan niya ito ng picture habang kinukuhanan ito. Kaya hinayaan muna niya itong sumagot.
"Magaganda ang facilities ninyo at standard ng education. Advance kaysa sa iba. Gusto kong samantalahin iyon. I want to make new friends.”
“Sana gusto mo rin ng girlfriend," kinikilig naman na sabi ng ibang babae.
Hinaplos ng lalaki ang baba. “As for my contribution to the society, masyado pa yata tayong bata para maging seryoso. We are still young. Hindi pa nga tayo nagbabayad ng tax.”
Sabi na nga ba niyang sabaw na sabaw itong sumagot. Huwag muna magseryoso? Hindi nagbabayad ng tax? Nadismaya lalo si Sylvie. Para makapasok sa Bright Minds Academy, mahigpit ang panel sa interview. Inaalam kung ano ang vision nila sa hinaharap at ang ambisyon nila. Gusto rin ng mga ito na makita kung paano silang magiging responsable at kung paano makakatulong sa iba gamit ang kanilang kakayahan. Paano nakapasa si Knight sa interview, di niya alam. Ni di nito alam kung gaano kalaki ang potensyal nito.
Tumaas ang kilay niya. “You are a writer. You have many followers. As a writer, you have to power to influence people. Dapat makaisip ka ng paraan para ma-encourage sila na mag-aral mabuti at maging productive at kapaki-pakinabang ba miyembro ng society. That’s what Bright Minds do.”
Natahimik ang lahat pati si Knight. Di siguro inaasahan na babarahin niya at bibigyan ng lecture ang bagong Golden Boy ng Bright Minds Academy.
“Of course. Sasabihin ko rin iyon. Naunahan mo lang ako,” anang lalaki nang makabawi saka tumawa.
“Ha? Talaga?” Malayo ang rethoric nito sa sinabi niya. Paano naman ikokonekta iyon? Palusot pa.
Tumawa ito ng malakas. “Lighten up. Mas maganda ka kapag nakangiti, sa palagay ko. Ngiti na.”
Napipilan si Sylvie at maang na pinagmasdan ang lalaki. Ano daw? Maganda daw siya kapag nakangiti? Mukha ba siyang utu-uto?
“Kailangan mo nang ipagpatuloy ang tour mo, Lance. Malapit nang mag-start ang klase,” singit ng ama ni Lancelot at sa di kalayuan ay matiyagang naghihintay ang ina ng lalaki at direktor ng paaralan.
“Ay! Wala bang program?” nanghihinayang na tanong ng ibang estudyante.
“Marami akong tanong kay lodi,” anang lalaki mula sa STEM Strand na Science, technology, engineering at matematika ang pinag-aaralan.
“Thank you for welcoming me, Bright Minds,” anang si Knight na ina-address ang mga kaklase nito. “Nasa isang school lang tayo. Kung kailangan ninyo ng advice sa mga sinusulat ninyo or may gusto kayong topic na pag-usapan natin, i-approach lang ninyo ako anytime.”
“Promise mo iyan, ha?” kinikilig na sabi ng taga-Gen Acad na si Abegail Malvarosa, ang reyna ng siga sa eskwelahan. Pero kinikilig ito sa harap ni Knight.
“Promise!” anang lalaki at itinaas ang kamay habang ang isa ay nakahawak sa ibabaw ng dibdib.
Gustong tumirik ng mata ni Sylvie pero sa huli ay kinuhanan din ito ng picture. Nakakainis! Kahit di niya ito gusto, gustong-gusto ito ng camera niya. Ang kinang ng buhok nito nang tamaan ng liwanag, ang pagkakapikit ng mata at ang magandang ngiti sa labi nito. Wala siyang nagawa nang nag-take over ang instinct niya bilang photographer. Sunud-sunod ang click ng camera niya habang naka-focus dito. Beautiful. Walang personalan, trabaho lang. At malapit na siyang matapos sa wakas.
“Sasamahan ka namin mag-tour, Knight,” prisinta ni Ehra. “Anong Strand Program ka?”
“I want it to be a surprise,” anito at bumaling kay Sylvie. Nagulat siya nang inilahad nito ang kamay sa kanya. “Kamay mo.”
“Huh? Ano iyan?” tanong ni Sylvie sa lalaki.
“Aalalayan kitang bumaba. Photographer kita. Sino pa ang kukuha ng official pictures ko kung di kita kasunod?”
Mariing nagdikit ang labi niya. “Kaya ko nang bumabang mag-isa.”
“I have to make sure that you are safe. Because I am your Knight.”
“I am no damsel in distress. Gender equality na uso ngayon. Thank you very much,” sabi ni Sylvie at hindi pinansin ang nakalahad nitong kamay. Hindi niya alam kung bakit kailangan nitong magpabibo sa kanya. Sa iba na lang sana nito ibaling ang atensyon nito.
“I think I like you,” sabi ng lalaki sa halip na ma-offend.
“Ayyyy! May iba nang gusto si Knight?” malungkot na sabi ni Aiona.
“Hey! Gusto ko ang lahat, kasama ka na,” bawi ni Knight dahilan para ma-excite ang lahat ng kababaihan at beki sa paligid nila.
“Sabi ko na nga ba,” mahina niyang usal.
Di ito dapat Knight kundi Cassanova. He was quite a charmer. Kaya nga isang ngiti lang nito, nawiwindang na ang mga fans nito, Isang salita lang nito, nagsusunuran na ang lahat. Di bale sana kung makakatulong ang mga iyon sa kahirapan at kapayapaan ng mundo.
Last mo na iyang pagpapa-cute mo sa akin. Di ka na makakaulit.
Do you like the story? Get your complete copy at for only P109 at: Sofia PHR Page,www.preciousshop.com.ph, www.preciouspagesebookstore.com.ph, online sellers (Click this link for the list: https://www.facebook.com/sofiaphr/posts/2282505045098183), Precious Pages Stores. Check it on National Book Store, Pandayan Bookshop, Booksale, Expressions and other book stores.
And thank you for those who those who bought their copies and for putting A Clash With the Knight on the bestseller list for MIBF and September 2018.





Comments